Judy Ann Santos on renewing contract with ABS-CBN: "Loyalty is not enough evidence for them to support you."

Posted by eds on 16:41

Pagkatapos ng "Don't Lie To Me" segment ng Showbiz Central, kung saan ang young superstar na si Judy Ann Santos ang naupo sa lie-detector test habang tinatanong ng kanyang kaibigan na si John "Sweet" Lapus, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang young superstar sa Broadway Centrum kahapon, April 13.

Sa April 30 ang showing ng kanyang independently produced film na Ploning, kung saan isa rin siya sa mga nag-produce. Makakasabay nito ang movie naman ng Star Cinema na When Love Begins nina Aga Muhlach at Anne Curtis. Tinanong ng PEP si Juday kung wala bang kaba dahil makakasabay nila ng showing ang pelikula ng Star Cinema, na film arm ng home network niyang ABS-CBN?

"Kampante kami dahil alam naming maganda ang produkto at galing sa puso," sagot ni Juday. "Ako, sobrang dasal na lang talaga kami ng ka-partner namin sa laban na ito. Although hindi naman kami nakikipaglaban, pero siyempre, sa lahat naman ng bagay may kakumpitensiya. At saka, we consider it as a healthy competition."

KEEPING IT TO HERSELF. Ang last movie na ginawa ni Juday ay ang 2007 Metro Manila Film Festival entry niya from Star Cinema na Sakal, Sakali, Saklolo. Hindi rin maitatanggi na karamihan sa mga pelikulang nagawa niya were produced by ABS-CBN's film outfit. Wala ba siyang nararamdamang pagtatampo dahil sa pagkakatapat ng When Love Begins sa isa sa pinaka-espesyal na movie niyang ginawa na Ploning?

"Ayoko na lang pag-usapan kasi ang dami kong puwedeng masabi na baka pagsisihan ko rin bandang huli. Basta kung ano na lang ang nararamdaman ko towards them [Star Cinema], I decided to keep it to myself na lang. I think, yun na lang din ang pinaka-magagawa ko para huwag na lang din ako sabihan ng mga tao na nagpapapansin or huwag sabihan na... Ewan ko kung naiintindihan mo ako na, ‘Ay naku, nagpo-promote kaya gumagawa ng isyu.' Kung anuman ang mga nararamdaman ko sa mga nangyayari ngayon, siguro I'll just keep it to myself na lang," mahaba niyang paliwanag.

Ngunit hindi itinatanggi ni Juday na nandoon talaga ang pagkagulat sa kanya nang una niyang malamang na magkakasabay pala ng showing ang pelikula niya at ng Star Cinema.

"Nagulat, siyempre," sabi niya. "Initial reaction mo... Kasi kami, bago pa kami mag-shoot, may playdate na kami, may booking na kami. Kung sinuman ang makakakilala sa mga bookers, they can ask. Ako, nagulat lang. Pero at the end of the day, you can realize na this is just business. Business is business at wala ka namang magagawa roon.

"Kumbaga, sino ba naman ako? Sino nga ba naman si Judy Ann Santos para mag-move ang isang production ng playdate? So, huwag na lang... Ayoko na lang anuhin, hahaba lang ang isyu. Ipinagdarasal ko na lang talaga na sana, makita ng mga tao yung pinaghirapan namin. Kaya nga ako nagpo-promote ng ganito, kasagsagan kasi, proud na proud ako sa pelikulang ito."

Magkaganuman, umaasa pa rin si Juday na hindi lamang siya sa Kapuso network makakakapag-promote. Dahil, aniya, sobrang touched siya sa suportang ibinibigay ng GMA-7 sa movie niyang Ploning. Pero umaasa siya na makakapag-promote din siya sa ilang shows ng Kapamilya—gaya ng ginawa niya sa Wowowee—dahil even before pa, nakapag-book na siya rito.

CONTRACT RENEWAL. Sa pakikipag-usap ng PEP kay Juday, napag-alaman namin na may one-year contract pa pala siyang bubunuin sa Kapamilya network. In fact, kasalukuyan pa lang din siyang nagte-taping ng Habang May Buhay, ang soap opera na pagsasamahan nila ni Derek Ramsay.

Naitanong ng PEP kay Juday kung pagkatapos bang mag-expire ng contract niya sa ABS-CBN ay mananatili pa rin siyang Kapamilya sa pamamagitan ng pagpirma muli ng panibagong contract. Maagap ang naging tugon ni Juday rito.

"Pag-iisipan ko muna siguro nang matagal," sagot niya. "Parang feeling ko kasi, loyalty is not enough evidence for them to support you, e. Alam n'yo yun? Pero siyempre, in fairness naman, ang dami rin naman talagang itinulong sa akin ng mother studio ko. Ang dami rin naman nilang ibinigay na pagsusuporta sa akin. I really appreciate those things.

"Pero alam n'yo, meron talagang time na dumarating na they will test your loyalty. They will test your patience and everything na puwedeng i-test sa ‘yo. At siyempre, tao ka lang. Wala ka namang magagawa kundi mag-react ka lang. Pero hanggang doon ka lang, hanggang react ka lang kasi naka-kontrata ka, e.

"Hindi naman ako yung tipo ng taong magsasabi ng masama sa kanila. Ano lang ako, ang puwede ko lang gawin, e, hanggang pagsasabi lang ng nararamdaman ko. Pero wala ako sa posisyon para magsalita ng masama against them, kasi marami rin naman ang utang na loob ko sa kanila," pahayag ni Juday.

VERY PROUD. Halata namang very proud talaga si Juday sa bago niyang movie na Ploning. Ayon sa kanya, although it's independently produced, hindi raw digital camera ang ginamit nila rito kundi film talaga. Live sound din sila kaya umabot din ang budget nila ng P20 million.

When asked kung posible ba na umani na naman siya ng Best Actress award dahil sa Ploning, halatang masaya si Juday sa thought na yun.

"Sana! Kung hindi man, kahit Best Picture na lang, " positive na tugon niya kaagad.

Sobrang laki raw kasi ng difference ng Ploning sa mga past movies na nagawa niya. Sobra ring espesyal sa kanya ang project na mismong ang best friend niyang si Dante "Ga" Garcia ang sumulat at nagdirek.

"Unang-una, wala akong partner dito," sabi ni Juday. "‘Tapos, first film ko na iba ang dialect ko. Live sound. Cuyonon kami rito. Forty percent Cuyonon and sixty percent Tagalog. Doon na kami nag-aral magsalita ng dialect nila, kasi kailangan kong mag-observe ng mga tao.
"Live sound, may libro kami. Yung coffeetable book na ginagawa ni Ryan [Agoncillo] ngayon. Kumbaga, lahat nga perfect timing. Hindi ka talaga puwedeng magkaroon ng perfect moment kasi may isang sasablay, pero perfect timing. I guess, ang lahat ng ito ay nangyayari for a reason at ine-embrace ko yung reason kung bakit," pagwawakas ni Juday. Source

0 comments: